Ginawaran ng National Housing Authority (NHA) ang 75 pamilya ng Certificate of Lot Allocation (CLA) para sa kanilang mga tahanan sa Camp Atienza Socialized Housing Project sa ginanap na seremonya sa Brgy. Libis Covered Court, Quezon City, noong ika-16 ng Agosto 2023.

Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni NHA NCR-East Sector Officer-in-Charge Ar. Kristiansen T. Gotis, kasama si Quezon City Mayor Josefina “Joy” Belmonte, ang pagkakaloob ng mga sertipiko sa mga benepisyaryong deka-dekada nang informal settler families (ISFs) sa Camp Atienza na nasa P. Mejia St., Brgy. Libis.

Ang CLA ay katibayan ng kanilang karapatan sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga tirahan sa 5,434 sqm o mahigit kalahating ektaryang loteng inilaan para sa kanila.

“Ang proyekto pong ito ay bunga ng ipinapatupad na The Bases Conversion and Development Act of 1992, kung saan isa po ang NHA, kasama ang iba pang sangay ng gobyerno, sa mga naatasang magsaayos ng mga dating base militar ng bansa upang maging kapaki-pakinabang sa mga mamamayang Pilipino,” pahayag ni GM Tai.

Matatandaang nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Executive Order No. 116 noong Agosto 15, 2002 upang pormal nang gawing pabahay ang kalahating ektarya ng Camp Atienza. Alinsunod naman sa pinirmahang Memorandum of Agreement noong 2006, itinalaga ang NHA bilang administrador o tagapamahala ng proyektong pabahay sa lugar na kalauna’y isinalin sa ahensiya ang pag-aari nito noong 2019.

Kabilang sa mga dumalo sa aktibidad sina Bases Conversion and Development Authority (BCDA) Executive Vice President Atty. Gisela Z. Kalalo, Quezon City Housing Community Development and Resettlement Department Head Ramon T. Asperer, Punong Barangay ng Libis Leny Leticia P. Glivano, mga opisyal ng Atienza Homeowners Association Inc. (AHOAI), at mga kawani ng lokal na pamahalaan at ng NHA.