
Sisimulan na ng National Housing Authority (NHA) ang pagtatayo ng mga proyektong pabahay sa Manggahan Residences Phase 3B, Pasig City, at Navotaas Homes 5, Navotas City, sa ginanap na magkasunod na groundbreaking ceremony noong ika-8 ng Agosto 2023, sa ilalim ng liderato ni NHA General Manager Joeben Tai.
Unang idinaaos ang seremonya sa Brgy. Sta. Lucia, Pasig City, na pinangunahan nina GM Tai, Pasig City Rep. Roman Romulo, Mayor Victor Ma. Regis N. Sotto, at Vice Mayor Robert Jaworski Jr.

Ang Manggahan Residences Phase 3B ay may dalawang Low Rise Building (LRB) na may tig-limang palapag at bubuo sa 108 units na may sukat na 24 sqm bawat isa. Bahagi ng proyektong Phase 3 ang pagtatayo ng lima pang karagdagang mga gusali para makumpleto ang nakaplanong 420 units.
Nakalaan ang pabahay na ito sa mga ISFs na nakatira sa dinadaanan ng Manggahan Floodway. Sa kasalukuyan, mayroon nang walong gusali dito na tahanan ng 480 pamilya.
Samantala, pinangunahan naman nina GM Tai, Navotas City Lone District Representative Tobias Reynald M. Tiangco, Mayor John Reynald M. Tiangco at Vice Mayor Tito M. Sanchez ang ginanap na seremonya ng bagong pabahay sa Brgy. Tanza.

Ang pabahay na itatayo ay binubuo ng 24 LRB, na may tig-limang palapag na may kabuuang 1,440 housing units. Inaasahan na ang unang dalawang gusali ng Navotaas Homes 5 ay matatapos sa Hulyo ng susunod na taon.
Kabilang ang Navotaas Homes sa mga programang pabahay na inilaan para sa 6,500 natitirang informal settler families (ISFs) na nakatira sa mga mapanganib na lugar sa lungsod.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni GM Tai na ang mga pabahay na ito ay isa sa mga pangarap ng administrasyong Marcos para masolusyunan ang kakulangan sa pabahay ng bansa.
“Kaya po ang NHA, sa ilalim ng ating Build Better and More Housing Program, ay patuloy na nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, at sa pribadong sektor para maisakatuparan ito.”