
Binalaan ni General Manager Joeben Tai ang mga benepisyaryo ng National Housing Authority (NHA) ukol sa iligal na pagbebenta ng mga pabahay.
Batay sa NHA Memorandum Circular Blg. 2374, ang mga lumabag sa kasunduan at kondisyon ayon sa kontrata at mapapatunayang nagbenta ng kanyang tahanan ay hindi na muling makatatanggap ng pabahay mula sa gobyerno, sa kadahilanang limitado sa isang beses lamang ang pagkakataong ito.
Bukod pa rito, mahigpit ding pinagbabawal ng ahensiya ang pagpapaupa at pagsasangla ng bahay. Kabilang na rin sa panuntunan ang pagbabawal na baguhin, palitan at ilipat ang karapatang manirahan o magmay-ari nang walang kaukulang kasulatan mula sa NHA.
Alinsunod sa patakaran ng NHA ang pagsasagawa ng regular na inspeksyon sa mga naninirahan (occupancy check) sa mga proyektong pabahay, ang pag-blacklist sa mga mahuhuling iligal na nagbebenta ng mga pabahay at pagkansela ng karapatan sa bahay.
Pinapaalala ni GM Tai na ingatan ng mga benepisyaryo ang pabahay na ipinagkaloob sa kanila ng gobyerno at pagyamanin pa ito. Sa isang panayam, nilinaw niya na ang mga tahanan ay maipagkakaloob lamang nang isang beses.
βIn-orient po natin sila na ingatan po nila ang kanilang mga tahanan dahil isang beses lang po sila mabigyan ng pagkakataong magkabahay mula sa gobyerno na abot-kaya. Sinisiguro po namin na hindi po sila makakaulit at ayaw po natin na ang ibinigay nating pabahay ay ibebenta lang po nila,β ani GM Tai.
Upang lubos na maipatupad ang mga naturang panuntunan at ingatan ang karapatan ng mga maralitang Pilipinong nangangailangan ng pabahay, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng NHA at ni GM Tai sa mga lokal na pamahalaan upang mabantayan ang iligal na pagbebenta ng tahanan.
Kaugnay nito, bumubuo ang NHA ng mga programang pangkabuhayan para sa mga benepisyaryo upang masiguro ang pang-ekonomiyang pag-unlad ng mga komunidad sa mga proyekto nito. Isa itong hakbang upang mahikayat ang mga naninirahan na manatili sa mga proyekto ng NHA at magkaroon ng pagkakataong maitaguyod ang kanilang mga pamilya.
Sa kasalukuyan, ang NHA ay ipinatutupad ang Build Better and More (BBM) Housing Program na naglalayong bumuo ng mga pabahay at inklusibong mga komunidad upang matugunan ang pangangailangan sa pabahay ng bansa.