
Pormal nang nailipat ng National Housing Authority (NHA), noong Hulyo 27, 2023, ang mga residente mula sa Estero de Magdalena, Binondo, Manila.
Sa direktiba ni General Manager Joeben Tai, may kabuuang 32 pamilya ang ililipat sa proyektong pabahay ng NHA sa Sunshine Ville 2, Brgy. Cabuco, Trece Martires, Cavite.
Matatandaan na mayroong bumagsak na isang malaking puno ng balete sa Estero de Magdalena na nagdulot sa pagkasira ng tahanan ng ilang pamilyang naninirahan sa nasabing estero.

Kasunod nito’y, agad na nagpahatid ng tulong si GM Tai sa mga pamilyang naapektuhan. Personal niyang pinuntahan ang Estero de Magdalena upang suriin ang kalagayan ng kanilang mga tahanan at pinsalang idinulot ng nasabing insidente.
Magugunitang, nangako si GM Tai na magbibigay ang NHA ng mga bagong pabahay sa mga naturang pamilya, alinsunod na rin sa mandato nito. Ani GM Tai, “Ako po ay narito ngayon upang personal na magpaabot ng tulong at tiyakin sa iba pang apektadong pamilya na ang NHA ay handa silang ilikas sa mas ligtas na lugar, sa kanilang bagong tahanan.”

Kabilang sa mandato ng NHA ay ang pagkakaloob ng mga bagong tahanan para sa informal settler families (ISFs) na naninirahan sa mga mapapanganib lugar, naapektuhan ng kalamidad at natamaan ng proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.