
Hiling ng mga kawani ng National Housing Authority (NHA) na isama sa prayoridad ang panukalang batas na magpapalawig sa NHA Charter sa nalalapit na pagbubukas ng ikalawang regular session ng ika-19 na Kongreso.
Ito ay matapos na magsagawa ng mobilization activity ang mga kawani ng ahensiya, sa pangununa ng Consolidated Union of Employees (CUE) ng NHA, upang hilingin sa mga mambabatas ang pagsasabatas ng NHA Charter. Ayon sa kanila, nararapat na gawing priority bill ang pagpapalawig ng charter upang patuloy na makapaghatid ng serbisyo publiko ang ahensya sa mga nangangailangang pamilya.
Samantala, patuloy naman sa pakikipag-ugnayan si NHA General Manager Joeben Tai sa mga kongresista at senador para sa kanilang suporta sa panukalang batas na inihain ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos.
“Sa pagpapanibago ng NHA Charter, hangad nating makatugon sa mas lumalaking pangangailangan sa pabahay ng bansa. Labis ang aking pasasalamat sa mga mambabatas sa kanilang di matatawarang suporta sa pagsasabatas ng ating charter. Tintiyak ko po na ang NHA ay nagsusumikap na makabuo ng mga dekalidad, ligtas at abot-kayang programang pabahay para sa bawat pamilyang Pilipinong naghahangad ng bagong tahanan,” ani ni GM Tai.
Ang kasalukuyang NHA Charter ay may bisa lamang ng 50 taon at nakatakdang matapos sa 2025. Sa ngayon, ang panukalang batas na magpapalawig sa pagkakatatag ng ahensya ay dinidinig sa House Committee on Housing and Urban Development na pinamumunuan ng Kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Negros na si Occidental Francisco “Kiko” B. Benitez, at sa Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement na pinamumunuan naman ni Senador Joseph Victor “JV” G. Ejercito.
Layon ng bagong NHA Charter na magsagawa ng makabago at makabuluhang reporma sa mga programang pabahay, pamantayan at disenyo, panuntunan, sistema at pamamaraan, bilang pagsunod sa layunin ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Housing Program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., para masolusyunan ang kakulangan sa pabahay ng bansa.
Sa nakalipas na 47 na taon, ang ahensya ay nakapagkaloob na ng mahigit sa isang milyong mga de-kalidad, ligtas, at abot-kayang pabahay sa mga maralitang Pilipino. Kabilang sa mga benepisyaryong nakapagkamit ng pabahay mula sa NHA ay ang mga informal settler families (ISFs), indigenous peoples (IPs), former rebels o mga nagbalik-loob sa pamahalaan, mga nasalanta ng kalamidad at tinamaan ng proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno.