Aabot sa 6,828 pamilyang nawalan ng tahanan sa Bohol bunsod ng nagdaang Bagyong Odette ang pinagkalooban ng tulong pinansiyal ng National Housing Authority (NHA) sa ginanap na serye ng pamamahagi sa Talibon Cultural Center, Poblacion, Bohol simula Hulyo 26 hanggang 28, 2023.

Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni NHA Bohol District Officer-in-Charge Genesis Caesar C. Manalili, kasama si Bohol Governor Erico Aristotle C. Aumentado, ang pagbibigay ng tig-P10,000 ayuda, sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya, sa bawat pamilya na mula sa 21 barangay ng Talibon.

Ang EHAP ay isa sa mga programa ng NHA na may layuning maghatid ng tulong pinansyal sa mga pamilyang nasalanta ng mga kalamidad, katulad ng lindol, sunog at bagyo, upang matulungan sila sa pagpapaayos ng kanilang mga napinsanlang tahanan.

“Sa ilalim po ng EHAP, nilalayon ng ating ahensiya na maging inyong kaagapay sa pagbangon mula sa unos. Ang ayudang inyong matatanggap ay sagisag ng aming patuloy na pagsisikap na makapaghatid ng de-kalidad na serbisyo publiko, lalo na sa usaping pabahay, ani GM Tai.”

Samantala, taos-pusong pasasalamat naman ang ipinabatid ng isa sa mga benepisyaryo. “Ang aking natanggap na pera ay para sa aking pamilya at pagpapagawa ng aming bahay. Maraming salamat po kay GM Tai at sa aming LGU dahil napakalaking tulong po nito,” ani Florencio Daan, 60, ng Brgy. Cataban.

Ang NHA, sa ilalim ng Build Better and More (BBM) Housing Program, ay patuloy na maghahatid ng mga de-kalidad na pabahay at iba pang serbisyo publiko upang matulungan ang mga pamilyang Pilipino na makapamuhay ng matiwasay.