
Nagsagawa ang National Housing Authority (NHA) Region I & CAR 1 ng paunang distribusyon ng ₱20,000.00 ayuda para sa mga pamilyang nawalan ng bahay bunsod ng Bagyong Egay sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Abra sa magkakahiwalay na aktibidad noong Agosto 7, 17, at 18, 2023.
Aabot na sa 641 pamilya ang kasalukuyang nakatanggap ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) sa pamamagitan ng mabilis na aksyon ni NHA General Manager Joeben Tai na pondohan ang ₱50M tulong pinansiyal para sa mga pamilyang binayo ng Bagyong Egay, matapos magbaba ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Nasa kabuuang 352 ang nagkamit sa munisipalidad at lungsod ng Pagudpud, Currimao at Laoag sa Iloconos Norte; 157 naman sa Penarrubia, Manabo, Pilar, La Paz, Danglas, Lagayan, Langiden, Tayum, Lagangilang, San Juan, Dolores at Tineg sa Abra; habang 132 naman sa Caoayan, Vigan City, Santa Catalina, San Vicente, Bantay, San Ildefonso, Sto. Domingo, Sinait at Santa sa Ilocos Sur.

Sa isang panayam, binanggit ng Pangulo na ang NHA ay nakahandang tumugon sa pangangailangan ng mga nasalanta para sa muling pagpapatayo ng kanilang mga nawasak na tahanan.
“Sa mga nasiraan ng bahay – completely destroyed houses – mayroong emergency support na gagawin ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), at ang NHA,” ayon sa Pangulo.
Samantala, nakatakdang magpatuloy ang NHA sa pamimigay ng ayuda para sa iba pang mga pamilyang lubos na naapektuhan ng bagyo sa mga nasabing lalawigan bago matapos ang Agosto ngayong taon.
Sa pagtitiyak ni NHA Region I & CAR 1 Acting Regional Manager Engr. Jefferson F. Ganado, “Ang tanggapan po ng NHA sa aming rehiyon ay tuluy-tuloy sa pagsasagawa ng validation sa iba pang mga lalawigang nasalanta ng bagyo upang maging wasto ang pagtutukoy at paghahatid ng tulong pinansyal sa ating mga benepisyaryo.”
Sa ilalim ng NHA-EHAP, ang ahensya ay naglalayong maghatid ng tulong pinansyal para sa mga pamilyang nasalanta ng kalamidad tulad ng sunog, lindol, baha at bagyo. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapaabot ng tulong pinansyal sa mga biktima na kanilang magagamit sa pagbili ng mga materyales pampagawa sa kanilang mga naapektuhang tahanan.