Labis ang papuring ipinahayag ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa pagbibigay ng prayoridad sa programang pabahay para sa maralitang Pilipino sa unang taon ng kaniyang administrasyon.

“Ako po ay lubos na nagagalak sa pagmamahal at pagkalinga ng ating mahal na Pangulo sa loob ng isang taon ng kanyang panunungkulan para sa ating mga kababayan. Dahil sa kanyang malasakit sa pamumuno at hindi matatawarang suporta sa NHA, tayo ay nakapagkaloob ng mahigit 30,000 na pabahay sa buong bansa. Marami pang proyektong pabahay na parating, at ‘yan ang mahigpit na tagubilin ng ating Pangulo bilang handog sa maralitang Pilipino”, pahayag ni GM Tai.

Personal na pinangunahan ni Pangulong Marcos, Jr. ang paggawad ng titulo sa 30,000 pamilyang benepisyaryo sa naganap na sabay-sabay na ceremonial turnover. Ang mga komunidad nito ay patuloy na lumalago, bunga ng inspirasyong dala ng pagdating ng Pangulo. Dumalo rin sa naturang seremonya ang mga opisyal mula sa Key Shelter Agencies, mga kalihim at nangangasiwa sa lokal na pamahalaan.

Ilan sa mga direktiba ni Pangulong Marcos, Jr. sa NHA ay ang mga sumusunod: pabilisin ang pagkumpleto ng Yolanda Permanent Housing Project (YPHP) at agarang pagpapatayo ng mga resettlement site para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa kalamidad; tugunan ang lumalaking pangangailangan sa pabahay; at pagpapadali ng paglipat ng mga pamilyang naninirahan sa mapanganib na lugar. Dahil dito, malaki ang pasasalamat ni GM Tai sa patnubay ng Pangulo sa mga programa at proyekto ng ahensiya, lalo na’t habang ang mga relokasyon ay tuloy-tuloy na isinasagawa ngayong taon, ay patuloy pa rin ang pagtaas ng kakulangan sa pabahay ng bansa.

Katuwang ang dedikasyon ni PBBM na maitaguyod ang sektor ng pabahay, nakatitiyak na maisasakatuparan ng NHA ang tuluy-tuloy na programang pabahay upang mapaunlad ang komunidad ng mga kapos-palad, mga pamilyang apektado ng kalamidad, mga dating rebeldeng nagbalik-loob sa pamahalaan at mga katutubong Pilipino.

Patuloy ang pagsisilbing instrumento ni PBBM sa NHA sa pagpapalawig ng serbisyo publiko para sa mas magandang kinabukasan ng mga Pilipinong nangangailangan ng pabahay.