Tatlong milyon at siyamnapu’t isang libong pisong (P3.91 milyon) halaga ng tulong pinansyal ang ipinamahagi ng National Housing Authority (NHA) sa mga biktima ng sunog at pagguho ng lupa sa Lungsod ng Zamboanga.

Personal na inabot ni NHA General Manager Joeben Tai sa mga benepisyaryo ang tulong na ito sa ginanap na pamamahagi sa Barangay Sta. Maria, Zamboanga City ngayong ika-18 ng Agosto 2023.

Ang pamamahaging ito ay parte ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA na isang programa ng ahensya para sa mga biktima ng mga kalamidad tulad ng bagyo, pagbaha, sunog at pagguho ng lupa.

Sumatotal, 391 na pamilya mula sa siyam (9) na barangay ng lungsod ang hinandogan ni GM Tai ng tig-P10,000 upang makatulong sa pagpapaayos ng kanilang mga nasirang bahay.

“Nawa’y ang munting halagang ito ay makatulong sa pagpapaayos ng inyong mga bahay at makaagapay sa muling pagbangon ninyo sa buhay,” ani GM Tai sa kanyang mensahe sa mga benepisyaryo.

Dagdag pa ni GM Tai, “Sa ilalim po ng aking pamumuno, ang NHA ay patuloy na makikinig sa inyong mga pangangailangan, at gagawin po namin ang lahat ng aming makakaya upang punan at maihatid ito sa inyo.”

Inanunsyo rin ni GM Tai na ang mga naturang benepisyaryo ng EHAP ay nakatakda ring mabahagian ng bagong tahanan ngayong taon sa ilalim naman ng Indigenous Peoples Housing Program ng NHA.

Samantala, nagpasalamat si Ginang Rowena Jammang, 46 taong gulang, na isa sa mga nakatanggap ng EHAP, sa tulong na ipinagkaloob ng NHA at ni GM Tai sa kanila.

“Malaking tulong po talaga ito dahil meron na kaming pampagawa ng bahay; makakabili na po kami ng dingding na hindi trapal, plywood na,” saad niya.

Kasama ni GM Tai sa naturang pamamahagi sina NHA Region IX at ARMM Manager Engr. Al-Khwarizmi U. Indanan, Zamboanga District Officer-in-Charge Atty. John Louie G. Rebollos, C.E at Sta. Maria Punong Barangay Los Eli B. Angeles.