Upang matulungan sa pagbabayad ng buwanang amortisasyon ang mga benepisyaryo ng National Housing Authority (NHA), siniguro ni General Manager Joeben Tai na madagdagan ng iba’t ibang paraan ng pagbabayad sa ahensya.

Bukod sa nakagawiang pagbabayad sa mga tanggapan ng NHA sa iba’t ibang panig ng bansa, maaari na ring magbayad ang mga benepisyaryo ng pabahay ng NHA nang hindi umaalis sa kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng online applications katulad ng Maya, Green Apple, at Link.BizPortal.

Ang aplikasyon na pinakamalawak ang saklaw ay ang Maya. Opisyal nang nakipag-ugnayan ang kumpanyang Maya Philippines Inc. sa NHA sa pamamagitan ng pag-pirma ng kasunduan nina GM Tai at Maya Philippines Inc. Associate Director Marvin C. Santos noong ika-17 ng Abril 2023.

Para makapagbayad sa NHA sa loob lamang ng ilang minuto, i-download ang Maya mobile application, gumawa ng sariling account, at makapagbabayad na ng buwanang amortisasyon gamit ang Beneficiaries Identification Number o BIN. Bukod pa rito, matatanggap din ang mga abiso sa pagsingil at resibo ng binayad sa pamamagitan ng email o ng SMS.

Mula noong Marso 2023, nagagamit na rin ng mga benepisyaryo ng NHA ang serbisyo ng Green Apple Technologies and Systems, Inc. Sa pamamagitan nito, makapagbabayad ang benepisyaryo ng NHA gamit ang kanilang mga bank account tulad ng BDO, BPI, Metrobank, PSBank, RCBC, Security Bank, Union Bank, at iba pa. Maaari ring magbayad dito gamit ang Gcash account.

Ang serbisyong ito ng Green Apple ay maaaring gamitin saan man sa bansa ngunit limitado pa lamang sa proyekto ng NHA sa Region IV.

Samantala, maaari na ring magbayad ang mga benepisyaryo ng NHA sa mobile application ng Landbank o sa website na landbank.com/e-banking/other-e-banking-services/linkbizportal. Noong Hunyo lamang nagsimula ang serbisyong ito sa Region III at inaasahang gagamitin na rin sa iba’t ibang rehiyon sa mga susunod na buwan.

Habang pinapalakas ng NHA ang pagkolekta ng amortisasyon mula sa mga benepisyaryo nito, nakatutulong din ito sa pagpapa-ikot ng pondo para sa dagdag pang pabahay ng ahensya upang makapagbigay pa ng mas marami pang tahanan ang maitayo para sa mga nangangailangan.

Bukod pa rito, ang ilan sa digital payment services ay maaaring maging negosyo ng mga benepisyaryong nagnanais na maging merchant sa kani-kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagpataw ng service fee.

Ang mga makabagong pamamaraan na ito ng NHA ay alinsunod sa Republic Act (RA) 8792 o ang Electronic Commerce Act of 2000, kung saan nakalahad na ang lahat ng ahensya ng gobyerno ay dapat may kakayahang tumanggap ng bayad sa pamamagitan ng elektronikong proseso; at sa RA 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 na naghihikayat sa lahat ng opisina at ahensya na pahusayin ang kanilang mga transaksyon at pamamaraan.