Buo ang tiwala ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai na isang maayos at organisadong Charter ang inaasahang ipapasa ng Kongreso na naaayon at sasagot sa pangangailangan ng kasalukuyang panahon.

“Hindi solusyon ang pagbuwag ng NHA sapagkat tuloy- tuloy ang pagbabagong ginagawa ng Ahensya upang matugunan ang mga problema sa pabahay sa bansa, bagkus marapat itong i-extend at palakasin para patuloy na makatulong sa pagpapaunlad ng kalagayan sa pabahay ng mga informal settler families (ISFs), kawani ng gobyerno, mga nasalanta ng kalamidad, indigenous peoples, mga nagbalik-loob sa gobyerno, ang ilan lamang sa mga pangunahing benepisyaryo nito. Mas maayos na charter ang inaasahan nating ipapasa ng Kongreso na naaayon at sasagot sa pangangailangan ng kasaluluyang panahon,” ani GM Tai.

“Makakaasa ang mga pamilyang nangangailangan ng pabahay ng gobyerno na patuloy ang serbisyong ito, lalo’t hangad din ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pag-unlad ng mga mahihirap na Pilipino.”

Katuwang ang Kongreso at Senado, patuloy na tumatanggap ang NHA ng mainit na suporta upang pahabain ang mandato at Charter nito sa pamamagitan ng Build, Better and More Housing Program.