
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama si National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai, ang pagkakaloob ng 1,380 pabahay sa St. Gregory Homes para sa mga informal settler families (ISFs) mula sa Malabon City ngayong araw, Marso 27, 2023.
Ito ay bilang bahagi ng pagpupursige ni GM Tai sa pagtupad ng kanyang pangako kay Pangulong Marcos Jr. na makapaghandog ng 1.3 milyong pabahay para sa mga ISFs upang matugunan ang target ng NHA na suporta sa hangarin ng administrasyong makapagpatayo ng anim na milyong pabahay sa ilalim ng “Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.”
Ang St. Gregory Homes ay isang proyektong in-city ng NHA sa Lungsod Malabon kung saan binubuo ito ng 23 gusali na may tig-limang palapag. Ito ay malapit sa mga paaralan, tulad ng Panghulo Elementary School, Panghulo National High School at Malabon Polytechnic Institute, maging sa mga lugar ng komersiyo; barangay hall, fire station, sakayan, Tatawid Market, pasyalan at mga ospital.

Kasunod ng aktibidad sa Malabon, pinangunahan din nina Pangulong Marcos Jr. at GM Tai ang groundbreaking para sa panibagong proyekto ng NHA – ang Disipilina Village Arkong Bato sa Valenzuela City – kung saan 20 limang palapag na mga gusali ang inaasahang maipatayo na tatanggap ng kabuuang 1,200 na pamilyang nakatira sa gilid ng Tullahan River at Manila Bay.

Ang bagong proyektong ito ay malapit din sa mga paaralan, barangay hall, ospital, himpilan ng pulisya, simbahan, palengke at mga pamilihan.
Isa sa mga prayoridad ni Pangulong Marcos Jr. ang tugunan ang 6 milyong kakulangan ng bansa sa pabahay, na isa sa mga pangunahing pangangailangan ng bawat pamilya. Ganunpaman, hindi lamang makapagpatayo ng pabahay para sa bawat Pilipino kundi makapagbigay din ng ligtas at progresibong komunidad.
Bilang suporta, itinaguyod ni GM Tai ang Build Better and More (BBM) Housing Program para maiangat ang kalidad ng mga pabahay ng NHA kapantay o higit pa sa mga proyekto ng pribadong sector. Bukod pa rito, mas pinalawig din ng ahensya ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, at pribadong sector upang matugunan ang kakulangan ng pabahay sa bansa.
Dumalo rin sa napakahalagang okasyon sina Senador Win Gatchalian at JV Ejercito, Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose “Jerry” Rizalino L. Acuzar, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG Fund) CEO Marilene C. Acosta, Human Settlements Adjudication Commission (HSAC) Executive Commissioner Atty. Melzar P. Galicia, Malabon City Mayor Jeannie N. Sandoval, Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian at Vice Mayor Lorena Natividad-Borja.
Nakiisa rin ang ilang opisyal at mga kawani ng NHA na sina OIC-Assistant General Manager Roderick T. Ibañez, NCR-North Sector Regional Manager Engr. Jovita G. Panopio, MANAVA District Manager Engr. Nora E. Aniban, Caloocan District Manager Emelina D. Balaoing, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, at mga benepisyaryo.